munting tula 
para sa kanya

    Natamo ko ang malupit na kapighatian
    na parang ako ay hindi na maliligtas
Kung bakit ang layo ko na’y umaakit pa
ang sakit na muling umaawit nang lagian
dito sa aking muntik manahimik na damdamin
 

    ‘Yun bang nalalapit na pangyayari’y 
    isang kasalanang hindi maiwasan
at parati na lang natitisod sa takip-silim
pagsapit ng hinihintay na pagpapahinga
sa huli ng pagtalikod sa katotohanang maitim
 

Nasaan ang kaligtasan na umawit
at nagpangakong hindi mang-iiwan?
 

Kung minsa’y pinagbibigyan ang di nakabubuti
  Ang pasilip-silip na mithiin
    ay kaagad malapit sa iyo
      ngunit mahirap makamit sa init ng panahong ito
 

    Sapagkat kung hindi tayo mamumulat 
    upang magtulungan at ang nakalipas na kahapon
ay isang alaalang naglaho 
Madadali ang paglubog muli sa mapait na dagat
ang di-inaasahang pagkalunod sa matinding kalungkutan



 
97 Feb 14
(c) copyright owned by Siddharta Somar
| back to unopened | voce | sumatra